<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar/2564701274700668207?origin\x3dhttps://nakaretainersako.blogspot.com', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>
mY eLiXiR Of LiFe ♥ ♥ ♥ ♥
November 25, 2008

Pagsagwan sa Alon ng Karunungan


May dalawang pangkalahatang paraan upang ang kaalaman ng tao sa buhay ay lumawak at umunlad. Ito ay sa pamamagitan ng pormal na edukasyon at karanasan. Aking pinaniniwalaan na may ilang bagay na ating matututunan sa karanasan na hindi natin makukuha sa pormal na edukasyon at ang halimbawa nito ay ang karunungan.
Noong ako’y nasa ikatlong taon pa lamang ay nagkaroon ng pangkatang gawain ang aming klase sa disiplinang Pananaliksik o kung tawagin sa ingles ay Research. Hinati kami sa walong pulutong at nabilang ako sa ikaanim na pangkat. Naatasan kaming sumiyasat ng eksperimentong aming isasagawa para sa Oral Defense. Nakilala ko na ang aking mga kasama at umaasang magiging matagumpay ang gawain. Sa proseso ng paggawa, hindi naging produktibo ang grupo. Ito ay dahil hindi nila naisusumite sa tamang oras ang inatas ko sa kanilang mga tungkulin. Kung may maibibigay man sila ay hindi ito malaman at halatang kinopya lamang sa internet. Dahil dito, lagi kong binabago ang kanilang sinulat at sa tingin ko ay parang ako na ata ang gumawa ng lahat – ang panimula, pagsasalaysay ng problema, materyales, sakop at limitasyon, kahalagahan ng gawain, konklusyon, atbp. Hindi ito naging madali para sa akin dahil naging madalas na ang aking pagpupuyat at humina ang aking resistensya. May dumating pa na pagkakataon na gising pa ako hanggang alaskwatro ng umaga. Martir?Oo sa paningin ng marami ngunit ginawa ko lamang ito dahil nakakapagod ding umasa at maghintay sa wala. Mahirap din silang pakiusapan, parang bang pasok sa kaliwa labas sa kabila. Patuloy akong nagtiwala sa kanila na kahit sa mismong pagdadaos ng eksperimento ay matutulungan nila ako. Sa araw ng paggawa ay inaamin kong naging aktibo sila ngunit naging mistulang biro ang aktibidad na iyon. Lubos na ikinasama pa ng loob ko dahil mali ang kinalabasan nito. Hindi na kami nabigyan ng isa pang pagkakataon na ulitin ang eksperimento sa paaralan kaya sa bahay na lamang ito isinagawa. Sa kasamaang palad, wala sa kanila ang nagkusang pumunta at tumulong kaya ako na lamang mag-isa ang umulit. Nagsilbing matinding hamon ito sa akin dahil talaga namang ako ang gumastos para sa mga kasangkapan na kinakailangan. Minsan ay kailangan ko pa itong ulit-ulitin kaya mahabang panahon din ang aking ginugol at sinakripisyo. Kabilang na rito ang ilang mga araw na ako’y lumuluha na dahil sa dagsakan ng proyekto na sumabay. Madalas akong nawawalan ng pag-asa ngunit patuloy na dumadalangin sa Panginoon at humingi ng gabay at lakas. Wala akong matalik na kaibigan kaya ang Diyos at aking pinakakamahal na ina lamang ang madalas kong takbuhan. Natapos na rin ang mga sulating papel at dumating na ang mismong araw ng Oral Defense na sumaktong araw din ng aking kaarawan. Sa inyong palagay, ano ang nangyari?Dahil sa ako ang gumawa ng mga iuulat, ako lang halos ang nagsalita. Natuwa ako dahil sa wakas tapos na ngunit sa paglabas ng mga grado ay ako pa ang nakakuha ng pinakamababa sa aming grupo. Pawang isang malakas na dagok ito sa aking dibdib. Kinausap ako ng gurong namamahala sa aming klase at kaya raw naging ganoon ang aking grado dahil sa may ilang mga indibiduwal na eksperimento ang hindi ko naisumite. Sa totoo lang ay tapos ko na ang mga gawaing iyon sa mismong araw, hindi lamang nailinaw sa akin na kailangan palang sa recess at hindi sa oras ng asignatura ibibigay. Sinubukan kong magpaliwanag ngunit ang aming guro ay hindi man lamang nagbigay-pansin sa akin.
Natapos ang taon at tinanggap ko na ang lahat ng ito. Lagi ko na lamang isinasaisip na talagang ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Hindi man ito naging patas ngunit naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit niya ito pinahintulutang mangyari. Wala akong sinisisi kahit na nung una’y talagang nagkaroon ako ng sama ng loob. Lubos akong nagpapasalamat sa Maykapal sa pagbibigay sa akin na lakas at kagalingan dahil sa pagkatapos ng gawain ay naospital ako’t nagkaroon ng sakit na gastroenteritis with dehydration. Siguro nga ang karanasan kong ito ay pawang simple lamang kung ikukumpara sa iba ngunit sa kabila ng kapayakan nito ay nasubok ang aking pagkatao at lumabas ang tunay kong karakter. Matapos ang pangyayaring ito, lumakas na ang aking loob at natuto na akong lumaban. Naging prinsipyo ko ang hindi paghintulot sa iba na ako’y muling pagsamantalahan. Sa kabila ng dami ng mga gawain ay natanto kong dapat na alalahanin pa rin ang kalusugan at maglaan ng panahon para sa sarili. Aking natutunan na sa pagharap ng mga alon sa buhay ay nariyan ang Diyos na nagbibigay liwanag sa bawat kadiliman ng kawalan ng pag-asa at nagsisilbing lakas sa bawat kahinaan. Tunay na isa pa lamang ito sa mga hamon ng buhay kaya’t sa aking pagsagwan at paglalakbay, laging kalakip ng aking puso’t isipan ang karunungang aking natutunan at ang kapit sa Maykapal ay patuloy na tatatag kahit na ilang dagok man ang aking matamo.