Marilag na Mundo ng Buhay
proyekto ko ito sa disiplinang Pilipino(malayang taludturan)
Marikit na ina ang daigdig.
Dugo niya’y sariwang tubig na umaagos sa bawat panulukan.
Kanyang luntiang mga lupain ay mistulang balat na bumabalot sa umaalab na apoy sa kailaliman.
Hininga niya’y kay bangong simoy na dumadaloy sa sangkalupaan.
Puso niya’y nasa bawat kinapal na nakararamdam ng pagmamahal, ng pag-aaruga.
Kaginhawaan ang kanyang idinudulot sa kanyang mga supling
Ibinibigay ang lahat ng kanilang ninanais.
Ngunit ang kasakiman ay nangibabaw at ang tao ay naging lapastangan
Hindi nakontento at sinamantala ang Inang kalikasan
Unti-unting kariktan niya’y naglaho at ngayon ay nagiging sanhi ng dilubyo.
Himig ng mga ibong nagsisiliparan, ngiti ng mga bulaklak na nasisilayan ng sinag ng araw,
Mga isdang nagsisilangoy, dalisay na katubigan na pawang salamin,
Masaganang kagubatan, malinis na hangin na kaysarap langhapin
Ilan ito sa mga mumunting mga bagay
Na nagsisilbing kayamanan ng sanlibutan.
Huwag hayaang lahat ng ito’y mapawi
Sapagkat kasawian ang maidadala nito sa buhay nating mga tao.
Hindi pa huli ang lahat.
Tayo’y magkaisa at magtulungan upang ang tunay na kasaganahan at kaunlaran ay makamtan.
Gamitin sa wasto ang kalayaan at isantabi ang sariling mga kagustuhan.
Matutong magbigay at huwag maging mapagsamantala.
Sa pamamagitan ng mga ito,
Sugat na ating nalikha ay magagamot
At ang sigla’t kariktan ng kapaligiran ay manunumbalik at muling madarama.